One-Way Love Story

Nagiging isang malaking tanong sa maraming tao yung sitwasyon kung san puro “give” lang ang nagaganap sa isang love story… I remembered my mom telling me na, “hindi mo matatawag na love story o relasyon yun kung iisa lang ang nagmamahal - dapat mutual”… Minsan may nagsabi rin na “ang love story ay magiging love story kung mutual ang nararamdaman ng dalawang tao”… Katangahan din daw kung tatagal ka sa ganung setup. Kung ayaw sayo, pwes gawing mutual ang feelings… Ayaw ko na din sayo.
Hindi ganun kadali yun. At kagaya ng bentang bentang linya, madali lang sabihin yan para sa iba pero napakahirap gawin yan para dun sa mga nakaranas na. Pero ano nga ba ang rason bakit mahirap bumitaw kahit na ikaw na lang lagi ang dehado at laging nasasaktan?
1. Langit ka, lupa ako love story. Madalas nag-uumpisa sa paghanga, pagsunod sunod, konting usap. 70-80% pantasya at 10-20% chances of winning. Eto yung mga sitwasyong para kang tumaya sa lotto. Classic example e yung mga fans ng isang sikat na celebrity *ehem ehem*.
More or less seven years akong kumapit sa matinding paniniwala na nagkakatotoo ang mga fairy tales o yung mga pakilig na serye sa tv. At minsan sinabi ko sa sarili ko na, pag nagkataon… Ako pa ang magpapatunay na minsan, totoo at pwedeng bumaba ang langit para abutin ang lupa… Pero kung gano ka-imposible sa totoong buhay ang katagang yan, umabot sa point na napagod na rin ako… Natanggap ko na talagang kung ano ang nasa taas ay di na makatatagpo pa ng kung ano mang nasa baba. Oo, mahirap at matagal ang proseso ng pagtanggap ko, bilang laging ganun ang sitwasyon e… Abot na abot mo na, minsan hawak mo na nga… Saka mo marerealize na, boom.. Si Laida at si Miggy ay tanging sa “Very Special Love” lang na-immortalize.
2. Love takes time. Ang pinakamatinding mentalidad na pagdadaanan ng isang tao. Swerte mo kung after assessing yourself e buong kumpyansa mong maiisigaw na hindi ako yan. Eto yung madalas mong ibubulong sa sarili mo ang mga linyang, “habang may bukas may pag-asa” o “walang nakakaalam ng future”. Eto rin yung tuwing nasasaktan ka o napapagod ka na lumalaban ka pa rin kasi naniniwala kang pwedeng mapag-aralan ng tao na mahalin ka. Mas nakakapagod to sa #1 scenario kasi wala kang ni isang alas dito, oras na talo ka, wala ng consolation prize kasi inubos mo na yung oras e… Kakaantay sa wala.
Six or seven months kong napanghawakan tong ganitong sitwasyon. Nung una, masaya. Akala ko mas ok sa “langit ka lupa ako” setup. Kasi yung tao, ka-level mo… Normal. Di ka sasabihan na, “gagamitin ka lang nyan kasi kelangan nya ng fans” pero kahit mas maiksi yung duration, mas masakit… Dun kasi sa una kahit na ba sabihing “for the sake of popularity” lang ang turing sayo.. At least may natatanggap ka kahit konti - kahit di papantay sa binibigay mo.. Dito kasi.. Love takes time. Uupo ka lang, magmamahal.. Mag-aantay. At ang ultimatum, hanggang kelan.
3. I saw the sign love story. Yung ipipilit na may connection ang lahat ng bagay na nangyayari araw-araw. Eto yung punto na pati pagbabasa ng horoscope e papatulan mo na mapatunayan lang na magiging kayo or at least, may chance na maging kayo. Yung mag-aanalyze ka ng lahat ng bagay na kinikilos nya - lahat binibigyang kulay, lahat binibigyang meaning. Pero yun pala, plain coincidence lang talaga na nabibigyang kulay kasi syempre pag may gusto kang tao, sya lang ng sya ang nakikita mo, di ba?
Mas malalim kesa sa scenario #1 and #2 kasi madalas tong nangyayari kung ka-close mo o talagang madalas mong nakakasama yung taong mahal mo. Pinakamahirap to kasi kung kagaya kitang NBSB (No Boyfriend Since Birth) malilito ka na kung anong dapat mong gawin. Pwedeng mauwi sa Love takes time setup kasi habang hindi nauubos nag signs na binibigyan mo ng kulay e mag-aantay at mag-aantay ka. Pero oras na naubos na yung time, bibitaw ka rin. Pwede ring sa paranoia o pagiging in denial - paranoid ka na kasi takot kang masaktan kaya di mo tuloy alam kung dapat nga bang lagyan ng meaning o hayaan na lang na puso ang magpasya (naks, jovit baldivino lang? Angelito Batang Ama theme song) o kaya naman, meron na pala talagang meaning ayaw mo lang umasa.
Andito ako ngayon. Baka gusto nyo kong isalba? Haha. Nasa four to five months na kong pinapaulanan ng signs ng isang taong close sakin. Noon, ayoko pansinin pero nung may mga common friends na kami na nakakahalata at nagtatanong at nagoobserve na para sakin, inumpisahan ko na rin syang obserbahan. Wala akong concrete basis kaya di ko alam kung san lulugar. Una, kung iko-compare ko sya dun sa dalawang Mr. Langit ka, lupa ako… Lalo lang akong maguguluhan.. Kasi syempre mas realistic yung balik sakin dahil di naman celebrity si Mr. I saw the sign. Natatakot rin naman ako na dahil hindi ko ma-verify e mag-antay at mag-antay na naman ako at maging Mr. Love takes time sya na, kapapaguran ko rin at bibitawan sa huli.
Ayoko na sanang bitawan tong sitwasyon ngayon… Kasi kahit semi-one way kasi hindi nya alam na yung sakin pwedeng may halo na ng pagmamahal yun tapos may nakukuha naman ako in return, ang tanong lang… Mutual na ba yun o baka naman talo pa ang pagiging plain ng goto ni manang sa pagiging plain friendship lang pala. Ineenjoy ko kasi ayoko na umiyak, ayoko na malungkot.. Pero di ba, lahat may dulo. Lahat may ending. Pero kelan? Hanggang kelan?
Pero ano ba talaga ang point ng napakahabang litanyang to, Aiea? Haha. Yun e ipaalala sa kung sino mang nagbabasa ng post na to na oo, kasalanan mong masaktan kasi pinili mo ang ganitong mga sitwasyon… Pero di mo masisi yung taong minahal mo kasi di naman nila sinabing mahalin mo sila… Ni hindi rin nila sinabing mamahalin ka nila pabalik… Ni hindi ka rin ginarantiya na kaya nilang ibalik ang feelings na binibigay mo sa kanila in the same level like you do. Buhay mo yan, masaktan ka man paulit-ulit… Umiyak ka man paulit-ulit… Tandaan mong ang buhay na ito ay di pwedeng puro panalo, di pwedeng puro talo. Mananalo ka rin sa tamang panahon, makukuha mo rin yung kung ano mang para sayo. At kung hanggang ngayon e nasasaktan at umiiyak ka pa rin, tingin ka lang sa taas… Tandaan mong ang Dyos ang nagturo sating magmahal… Maswerte tayong naparamdam natin sa iba na mahal natin sila… Kung di man masuklian, nandyan ang Dyos… Mahal nya tayong lahat ng pantay pantay at tanging sya lang ang may alam kung bakit kelangan natin itong pagdaan.
Kung pareho tayo ng pinagdaanan o pinagdadaanan palang, kino-congratulate kita ate o kuya… Welcome to reality, normal ka. Hindi ka baliw. Hindi ka nag-iisa. :)
